Archbishop Maria Alfredo Aranda Obviar


Life of Archbishop Maria Alfredo Aranda Obviar, Lipa Batangas

Unang Obispo Auxiliar ng Lipa, Unang Obispo ng Lucena, Tagapagtatag ng Missionary Catechists of St. Therese

Archbishop Maria Alfredo Aranda Obviar, isang paring taga Lipa Batangas, kilala sa pambihirang talino at husay sa pagsasalita at pagbibigay sermon at turo ng simbahan. Isang pari na punong-puno ang kanyang diwa at ayon sa kanya ang lahat ng bagay sa buhay ng isang pari ay nakadepende sa pananampalataya dahil dito magmumula ang hangaring paglingkuran ang tao at ang simbahan. Walang ibang bukambibig kundi ang mabuting balita  ng ating Panginoong Hesukristo, ang kabaitan ng diyos, ang kabanalan ng diyos at ang pagmamahal ng diyos sa atin.

Si Alfredo ay nag-iisang anak nina Telesforo Obviar at Florentina Catalina Aranda. Ilang araw pa lamang nang maipanganak ay binawian na ng buhay ang kanyang ina dahil sa komplikasyon sa panganganak at ang ama naman ay kalaunay namatay din. Nang maulilang lubos ay inampon at pinangalagaan ng kapatid ng ina  na si Marta Aranda.

Maagang namulat sa relihiyon si Alfredo dahil sa pagpasok sa Jesuit Seminary ng San Francisco Javier noong 1907 at nang magtapos ng Liberal Arts sa Ateneo De Manila, ipinagpatuloy nya ang pagnanais na maging isang pari sa Seminaryo ng Sto. Tomas. Na-ordinahan sa pagkapari noong Marso 15, 1919 sa Katedral ng San Sebastian sa Lipa, Batangas.

Pagkatapos ma-ordinahan, agad na tinanggap ni Padre Obviar ang kanyang kauna-unahang gawain at destino bilang una at pinakabatang kura paroko ng bayan ng Malvar sa Batangas. Sa lugar na iyon ng Malvar ay kakaunti ang nasimba, kahit dadalawa lamang ang nagsisimba ay patuloy pa rin ang kanyang pagmimisa. Kung minsan ay sinesermonan nya ang dalawa o tatlong taong nakaupo at sinasabi na marahil ay nakikinig din sa kanya pati ang mga silya. Mahirap ngunit sumunod sya at hindi nagreklamo at umasa lamang sa probidensya ng diyos. Noong mga panahong iyon ay  walang reklamo ang mga kaparian. Kapag sila ay nagreklamo, sila ay nagrerebelde na, naroon ang tintawag na “Kasunuran” sa kanilang Obispo at sa simbahan.

Si Padre Obviar ay isang guro. Isang katekista mula pa noong siya’y batang pari pa lamang at ang kagustuhan sa Pagkakatesismo ay sinimulan nya doon pa sa baryo ng Luta na ngayon ay tinatawag ng Malvar sa Batangas. Una nyang ginawa bilang kura sa Luta ay ang mag-organisa ng mga tinatawag ngayong mga Programa para sa Kateketikal.

Isang paring naglilingkod na kung minsan ay nalilimutan na ang sarili para lamang sa kapwa. Nauunawaan ni Padre Obviar ang tunay na kahulugan ng pagiging isang kristyano na dapat ay iniiwan si kristo sa tahanan ng mga tao. Maging ang kanyang homilya ay may katesismo, may mga doktrina at mga aral ng simbahan. Ito ay isa sa pinakamahalaga sa buhay ni Padre Obviar, ang pagtuturo ng katesismo, dahil ayon sa kanya dito mahuhubog ang mga tao upang maging isang mabuting kristyano. Sinasabi nyang mangmang sa kaalaman tungkol sa Diyos ang mga kabataan, at kaya kakaunti ang nagsisimba ay hindi nila alam ang tungkol sa Panginoon at paano malalaman kung walang magtuturo. Isa pa sa mga sinasabi nya kaya hindi mapamahal ang mga tao sa Diyos at malayo sila sa simbahan ay dahil sa kahiya-hiyang kamangmangan ukol sa pananampalataya. Noon pa mang mga panahon na yun nasa isip na ni Padre Obviar ang Integral Evangelization.

Pinakasentro ng buhay ni Padre Obviar ay si Kristo at ang bunga nito ay ang kanyang pagkakatesismo. Ang kanyang pangangaral ay naging madalas at masidhi kung kayat siya ay naging popular sa mga tao. Maging sa bayan man o baryo ay dala dala niya ang kanyang bagong sistema ng Katesismo: ang tanong at sagot, kanta at dalangin, tiket at papremyo katulad ng mga gamit sa eskwela. Ang malakas na tinig niya ay agad na pumupuno sa kabuuan ng munting simbahan ng Immaculada Concepcion sa Malvar. Ang halos pahiyaw na pangangaral nito ay malugod pa ring tinatanggap ng kanyang tagapakinig. Nang mga panahong iyon ay wala pang mga de-koryenteng gamit kaya gamit nya ang lakas ng kanyang boses sa pagtuturo. Ang patuloy na kasipagan at masiglang paglilingkod niya ay hindi nakaligtas sa kaalaman ni Obispo Alfredo Verzosa, ang ikalawang Obispong Residensiya ng Lipa.

Nang Makita ni Obispo Alfredo Versoza na binabago ng  paring ito  ang buong bayan ng Luta, dinala sya sa Lipa kung saan naging Kura Paroko ng katedral. Pagdating doon ay ipinagpatuloy ang sinimulan sa Luta. Ipinalaganap ang katesismo sa buong diyosesis. Ngunit hindi doon huminto ang hangarin ni Padre Obviar na mapalaganap nang husto ang pagtuturo ng Katesismo. Ipinahayag niya kay Obispo Verzosa ang kanyang kagustuhang makarating sa malalayong bayan at mga bukirin ang pagtuturo ng katesismo. Sinasabi nya na kung hindi makakapunta ang mga tao sa simbahan dahil walang pamasahe at mga dukha, dalhin ang simabahan sa kanila.

Ang kagustuhan nya sa pagtuturo ay naging dahilan upang tumungo sa iba’t ibang baryo ng Malvar at tinawag itong Bisita Pastoral. Ito ay ang pagpunta sa malalayong lugar at kinakausap ang mga tao, nagkakatesismo, nagpagpapakumpisal at nagdiriwang ng banal na misa, dito nakikita ni Padre Obviar ang pag unlad ng pananampalataya ng mga tao at dun nya rin nakikita ang gawain ng kaparian. Nabatid ni Padre Obviar na sadyang malaki ang kakulangan sa mga pari at seminarista upang tugunan ang pagkauhaw ng mga tao at kabataan sa Salita at Aral ng Diyos kaya naman sinimulan nyang hubugin ang ilang mga laiko upang makatulong sa pagtuturo ng katesismo at hindi naman sya nabigo sa hangaring ito. Sa loob lamang ng maikling panahon ay umabot sa mahigit na tatlong daang boluntaryong katekista ang nahubog. Ganoon na lamang ang kaligayahan ng mga pari at seminarista na katuwang ni Padre Obviar sa kanyang mga gawain upang tagumpay na maipalaganap ang katesismo sa kanyang nasasakupan. Kumuha sya ng mga katekistang sya mismo ang nagturo kung paano ang pagtuturo ng mabuting balita sa mga bata at matatanda nang sa gayon ay maakay patungo sa simbahan at sa Panginoong Hesukristo.

Tuwing linggo, sa pagtugtog ng kampana sa ikalawa ng hapon, ang mga bata ay parang hinihilang papunta sa katedral kung saan naghihintay ang mahigit isang daang katekista na hinubog muna ni Padre Obviar. Sa muling paghatak sa kampana, hudyat ng ikatlo ng hapon, ang mga bata ay sabay sabay na inaakay ng mga katekistang lalaki at babae papasok sa simbahan, bawat bata ay may tig-iisang katekista. Umuugong ang katedral na parang isang dambuhalang paaralan. Kasabay na magiliw na pakikinig ay ang taimtim na pagninilay ng mga aral. Hindi rin maalis ng mga batang nakikinig ang pagsulyap sa nakaitim na sutanang lumilibot sa paligid. Halos lahat ng bata ay nag-aabang sa paglapit ni Padre Obviar upang makapagtanong sa kanya.

Ang pagiging madasalin at ang labis niyang debosyon sa Banal na katawan at Dugo ni Kristo ay hindi na lingid sa kaalaman ng kanyang mga nakakasama. Ang panalangin ang sandigan ng kanyang pananampalataya at nagpalalim ng kanyang espiritwalidad.

Ang di pangkraniwang kasipagan at kabanalan ni Padre Obviar ay muling napansin ng Obispo Verzosa kaya’t itinalaga niya ito bilang Bikaryo Heneral ng Arsidiyosesis ng Lipa. Mula noon, ang pangalang Padre Obviar ay naging Msgr. Alfredo “Maria” Aranda Obviar. Kaya naman di nagtagal binansagan si Msgr. Obviar ng mga kasamahang pari bilang “Manong”.

Pagkaraan ng dalawampu’t limang taong paglilingkod, iniluklok ni Papa Pio XII si Msgr. Alfredo Obviar bilang Obispo noong Hunyo 29, 1944 at naging kauna-unahang Obispo Auxiliar ng Arsidiyosesis ng Lipa. Sya lamang ang paring naordinahan bilang isang Obispo sa panahon ng digmaan.

Lalong dumami ang tungkulin at pananagutan ni Obispo Obviar upang patatagin ang simbahan, habang lumalawak ang kanyang karanasan ay nag-iipon din siya ng kabanalan, karagdagang dunong at banal na karanasan ng isang Pastol na babaunin niya sa susunod pang destinasyon.

Tulad ng sinumang tao, ang sinulid ng buhay ni Obispo Obviar kung minsan ay lumulundo-lundo rin at kung minsan ay  nahahagip ng hangin, bumabagsak at napuputikan. May mga pagkakataong nahihirapan sa tungkulin, hindi parating tagumpay at hindi parating masaya. Isa sa mga hirap na ito ay ang pag-akay nya sa mga tao patungo kay kristo.

Ang pinakamatinding pagsubok na naranasan ni Obispo Obviar ay ang aparisyong naganap sa isang Carmelita na diumanoy pagpapakita ng imahe ng Mahal na Birheng Tagapamagitan ng lahat ng biyaya. Bilang chaplain at confessor ng mga madreng Karmelita, nakita nya ang nasabing aparisyon at naniwala. Ang di pagsang-ayon dito ng mga Obispo at iba pang kaparian ay naging matinding dalahin nya sa buhay. Nagtatag ang simbahan ng komisyong binubuo ng mga Obispo  upang pag-aralan ang mabilis na kumakalat at nagiging paksang usapan ng maraming taong malapit at dumarayo sa nasabing Monasteryo ngunit napagdesisyunang hindi paborable sa mga pangitain sa Karmel. Walang nagawa ang simbahan kundi ang patahimikin ang kwento. Dahil sa kanyang kababaang loob, ang banal at masunuring Obispo Alfredo Maria Aranda Obviar ay tumalima sa kautusan ng Komisyon nang buong puso’t kaluluwa, ganap at hanggang katapusan. Nagtiis na tumahimik ayon na rin sa utos ng simbahan. Sinunod ang kagustuhan ng mga nakakataas, nanahimik at hindi nagreklamo, hindi ipinaglaban ang paniniwala at hindi ipinagtanggol ang sarili bagkus ay sumunod sya. Kasunod ng pananahimik na ito ay ang pagkalipat sa kanya sa ibang diyosesis bilang isang Administrador, hindi nagtanung man lang o nagreklamo bagkus ay sumunod sya. Napakatagal nyang nagsilbi bilang isang Administrador ng Lucena.

Lahat ng naisin at misyon ni Obispo Obviar ay hindi napigil at hindi nahadlanagan ng aparisyong nangyari.  Ipinagpatuloy nya ang kanyang mga gampanin kabilang na dito ang pagkakatesismo at pangangaral sa mga bata at matatanda maging  ang pagbibisita pastoral. Ipinagpatuloy nya sa Lucena ang mga programang nagawa nya sa Lipa Batangas at kalaunay nag-organisa ng Kongreso para sa pagkakatesismo. Hindi kinakitaan ng galit o tampo bagkus ay nagpakababa at kung may mga sentemiento man syang naramdaman ay itinago nya lamang ito sa kanyang sarili at ipinagdasal. Sa kabila ng katalinuhan at karunungan, nagpaubaya sya sa kagustuhan ng nakakataas. Buong puso at kaluluwang tumalima sa kautusan. Ang alay niyang buong pusong pagsunod sa kalooban ng Diyos at ng Simbahan ay sarili niyang paraan tungo sa kanyang kabanalan.

May tanging pitak sa kanyang puso ang mga mahihirap na tao. Maraming natulungan hindi lamang sa pang-araw araw na pangangailangan kung hind maging pang espiritwal na kalagayan. At nagpatuloy ang gawain nyang ito maging hanggang sa kanyang katandaan. Hindi nagsasawang magbigay ng sarili sa pinakamaliit na bagay na magagawa nya.

Isang paring ang buhay ay nasa pagdiriwang ng sagrado liturhiya. Istrikto sa maraming bagay lalo na sa mga pari. Kinatatakutan ng mga seminarista. Nahubog sa pormasyon ng mga kastila kaya naging natural sa kanya ang pagiging istrikto  ngunit nandodoon yung  kanyang kabaitan  sa paraan ng paggalang sa karapatan ng mga tao na kung saan ay palagi nyang binibigyan diin  sa mga kaparian  na ang mga tao  ay ipinagkatiwala sa kanila. Kanyang sinasabi na hindi maaaring kumilos ang simbahan kung walang pari.sapagkat itinuturing na ang pari ay ang kamay ni Kristo at tagapagpatuloy ng Gawain ng simbahan. Dahil dito ay nagtayo ng seminaryo noong 1951 at tinawag na St. Alphonsus de Ligouri Seminary sa Lucena, layunin nitong lalo pang paramihin ang mga kaparian. Hindi nawawala ang pagpapaalala sa mga kaparian kaya naman palaging may Sulat Circular na ipinapadala sa bawat parokya kung saan nakalathala ang mga nais nyang mangyari at gawin ng pari katulad ng Pagbabanal na Oras. Para kay Obispo Obviar, ito ay isang mahalagang gawain para sa kanya na dapat at kailangang gawin ng mga kaparian, ang paglalaan ng isang oras para sa Diyos. Kanya ring sinasabi na ang gawain ng mga pari ay hindi nila gawain kundi gawain ng diyos.

Nabatid ni Obispo Obviar ang kakulangan sa mga magtuturo ng katesismo, lalo na sa mga boluntaryong laiko na dahil nakapag-asawa na ay hindi na aktibo sa kanilang gawaing pagkakatesismo. Naramdaman nya na ang pananampalataya ng mga tao ay lumalamig kaya naman itinayo nya ang Missionary Catechists of St. Therese of the Child Jesus   (MCST) upang mas higit na maipagpatuloy ang kanyang simulain. Sa pagtatayo ng MCST, binigyang diin ni Obispo Obviar kung papaano ang simbahan at ang diyos ay maiintindihan at mamahalin ng ordinaryong tao at sa pamamagitan nito ay maipagpapatuloy ang gawain ng simbahang Katoliko.

Mahigit sampung taong nanatiling Tagapamahalang Apostoliko si Obispo Obviar, matapos ay naibalik muli sa pagka-obispo, sa pagkakataong ito ay  Obispo ng Lucena kung saan pinahalagahan ang kalagayan ng mga mahihirap na parokyano dahilan upang magtayo ng Ospital na tinawag na Mount Carmel Hospital. Layunin nito na bigyan ng libreng serbisyo ang mga taong salat sa pangunahing pangangailangan lalo na ukol sa kanilang kalagayang pangkalusugan. Ang ospital ng Mt. Carmel ay itinayo rin para sa pangangailangan ng mga kaparian.

Nagsimulang humina ang pangangatawan ni Obispo Obviar dahil sa sakit na Parkinsons. Dahil sa kanyang karamdaman ay regular na dindalaw ng kanyang mga kamag-anak. Dahil na rin sa katandaan at  unti-unting paghina ng kanyang katawan, sa edad ng walungpu’t pitong taong gulang ay kinailangan niyang magretiro na sa pagiging Obispo at manatili sa bakuran ng MCST.

Oktubre 1,1978 kapistahan ng kanyang minamahal na Patrona Santa Teresita ng Batang Jesus  nang tawagin si Obispo Obviar sa kabilang buhay. Ang araw ng kanyang pagpanaw ay maituturing na isang magandang koronang ipinutong sa kanya. Sa edad na walumpo’t siyam, si Obispo Alfredo Maria Aranda Obviar ay sumakabilang buhay na.

Malaking kawalan man para sa mga taong napaglaanan ng buhay, ngunit ang alaalang naiwan niya sa animnapu’t isang taong pamamalagi at paglilingkod sa Batnagas ay hinding hindi makakalimutan ng mga taong kanyang nakasama roon. Gayundin, ang dalawampu’t walong pamamalgi at paglilingkod sa Lucena, ay isang magandang karanasang paulit-ulit nilang ginugunita. Sapagkat ang masigla at mahusay niyang pagtupad bilang tunay na lagad ng Diyos ay patuloy pa ring nadarama at nakikita ng mga tao hanggang sa kasalukuyan.

Ito marahil ang isa sa malaking hiwaga sa buhay ng banal na taong si Obispo Alfredo Maria Aranda Obviar. Hindi pangitain, hindi talulot ng rosas ang milagro ng paring ito. Bagkus, ang handog niyang buong pusong pagsunod sa kalooban ng Diyos at ng Simbahan sa kanyang pamamaraan ang tunay na nagpabanal sa paring ito at pamana sa ating lahat. Dahil na rin sa mga ito ngayon ay nasa proseso ng Beatipikasyon at naideklara na bilang isang Servant of God at patuloy ang pag-aaral sa kanyang buhay nang balang araw ay maideklara na bilang isang Santong Paring Pilipino.

 

 

Advertisements

About Michelle Maldo Peñarubia
I am not weird, I am just one of a kind creature.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: